Sa Tore ng Walang Kasagutan

Katamisan ng ‘yong labi, aking minimithi

Munting daigdig, hipan mo man ay nababaliw

O, aking Adonis, mapasaakin ka muli

 

Pusong nakabalot sa bakal, di mababawi

Sa tore ng walang kasagutan, ako’y martir

Katamisan ng ‘yong labi, aking minimithi

 

Sa iyong imahen, kalul’wa ko’y nakatali

Bawat bakas ng maasim na pighati’y bitin

O, aking Adonis, mapasaakin ka muli

 

‘Di sasambahin, ni D’yos, ni Tao, ni Salapi

Kung ipagpapalit sa init ng iyong piling

Katamisan ng ‘yong labi, aking minimithi

 

Sa ‘yong sawa, nawawala aking pagtitimpi

Mahulog ka muli sa ‘king butas na malalim

O, aking Adonis, mapasaakin ka muli

 

Kung sa ngayon, tayo pa rin ay magkatunggali

Paalam na kaya? Sino na ang iibigin?

Katamisan ng ‘yong labi, aking minimithi

O, aking Adonis, mapasaakin ka muli!