Ars Longa, Vita Brevis
Ganito ang tamang paggawa ng tula—
Aninawin ang pantig at talinghaga.
Sukatin ang kahabaan ng ‘yong dila.
(Isaulo ang tesauro—”likhang–daya”)
Sa ilalim ng tala, mag–muni–guni,
Hangga’t mga musa sa ‘yo ay gumanti—
Biglang tumahol santitong dating pipi;
Biglang lumiwanag sa gitna ng gabi.
A! Sa gitna, may bigla akong naisip!
E! Tarantado! Alaala’y napuslit!
I! Gwapo ni Papa P, laglag aking brip!
O! Magnanakaw! Balik mo aking pansit!
Bersong pag-ibig ng isang taong tigang,
Taklas–isip ng pilosopong wa’ng malay,
Ang masarap: “makibaka, makilaban”—
Sa Sarah’s, alak lamang ang iyong lamang.
Dalawang payo bago ako’y lumipas:
‘Wasan mo ang kudlit, ‘pagkat ‘to’y sobr’ng gasgas;
Lahat ng tula’y dapat mayroong wakas—
‘Sang kabuuang linya sa temang wagas!