Balikbayan sa NAIA

Ika’y Babalikbayan:
Yakap ang maletang dinugong
pasalubong na puting
Adidas, sa usok ng NAIA
pitong taon nang huling
binuksan mo ang mundo,
umaalangan ang ‘yong
kamay sa salamin ng pinto.
Natalikuran mo na
ang niyebe ng pagkawala,
ang apatnapung oras
na pag-ginaw ng mga daliri
linggo-linggo sa paktoriya,
at ang pagkakaibigang dulot
ng pagsasa-Pilipinas sa
ampong lupa. Gabi-gabi
lumaro sa alapaap,
sa takas sa mapang-husgang
amo at sa hanging
bumababa pa sa zero.
O Pilipinas, pitong
taon nang huli kang
nagmahal sa lupa mo.

Ika’y Balikbayan
Pamilya’y naiidlip sa paghintay
sa kabilang panig ng pintuan.
Handa ka na bang maharap,
dakilang bayani, ang bangunguot
na magkatotoo — na si mister,
minsa’y nanlamig at nangilangan
ng apoy ng iba, o na ang mga anak
na wari’y mukha mo kupas na
usok? O kaya parang superhero,
may dolyares na nakaukit
sa iyong dibdib? Masusunog ba
ang balat mo sa Marso?
Amoy basura na ba sa ‘yo
ang Manila? ‘Hating-wika na
lang ba ang salita mo?
Naalala mo ba ang palahayupan
sa Malacanang at sa Senado?
Pilipino sa dugo’t pasaporte
pero sanggol sa isip at tradisyon?
Sa harap mo si inang bayan.
Pagka-pasok mo sa pintuan,
sasara na ang mundo sa likod.
Balikbayan, anong gagawin mo?